By the way, if you're not a Filipino speaker and would like an English version of this post/the recipe, leave a request at the Comments section. (",)
====
Kapag umuulan, may sasarap pa ba sa mainit na kanin na kinakain ng pakamay? Yung umuusok pa at bahagyang nakakapaso, na lalo pang pinainit at pinalinamnam ng ginataang ulam na maanghang?
Tsa-raaannn! Ipinakikilala ang ulam namin dalawang (maulang) Sabado nang nakakaraan: Ginataang Sitao at Kalabasa.
Noong bata pa ako, dahil mga Bikolana ang lola at nanay ko, hindi nawawalan ng ginataang ulam sa bahay namin. Noong medyo malaki na ako at abot ko na ang kalan, naging assignment ko na ang paghahalo ng gata habang hinihintay ang pagkulo nito, para maiwasan ang pagkurta. Siempre dahil nandoon lang ako sa may kalan, nakita at namemorya ko ang mga ingredients at ang mga magic ng pagluluto ng mga ginataang ulam.
Kapag Sabado at may naabutang alimasag si Mommy, siguradong magluluto ng Ginataang Malunggay na may Alimasag. Minsan, tilapya ang ginagataan at pinapatungan ng mga dahon ng petsay o kaya'y mustasa. Kapag buwan ng Hunyo at panahon ng santol, nagluluto ang lola ko ng ginataang santol at pinapartneran ng galunggong na prinito hanggang malutong. Hay....sarap! (Nagulat ba kayong malaman na ginugulay pala ang santol? At nasabi ko na ba na maanghang pa 'yun?)
Kung hindi ginataan ang ulam, malamang na isisingit naman ang gata sa mga pang-himagas (dessert). Nakatikim na ba kayo ng Minatamis na Bayabas o kaya'y Minatamis na Munggo, Bikol version? Siempre, may gata ang mga 'yun.
Mga ilang linggo na ang nakakaraan, ayun nga at binalikan ko ang masayang bahagi na ito ng aking buhay at nagluto ako ng ginataan. Hala! Siempre nag-kanin din ako! Patay ang diyeta, tadtad ng kolesterol ang pinagkakakain ko. Heto na ang kauna-unahang resipi ng ginataang gulay na matutunghayan sa blog na ito. Pinatrneran namin ito ng pritong daing na bangus.
GINATAANG KALABASA AT SITAO
Ano'ng meron doon?
- 2 hiwa ng Kalabasa, hinugasan ng maiigi at hiniwa pakwadrado (iwanan ang balat)
- 1 bungkos ng sitao, piniraso sa mga tig-2" na hati
- 1 sibuyas, binalatan at pinag-apat
- 1 maliit na luya, binalatan, hiniwa at pinitpit
- 1 ulo ng bawang, binalatan at pinitpit
- 3-5 siling labuyo (bawasan kung hindi kaya ang anghang!)
- gata ng 1 malaking niyog, o dalawang maliit
- 100 gramong taba ng baboy (opsyonal)
- dilis, tuyong alamang (opsyonal)
- asin (ayon sa panlasa)
Trabaho sa Kusina:
Pakuluin ang gata, sibuyas, bawang at luya (at taba ng baboy, kung nais) sa kawali sa ibabaw ng bahagyang apoy nang hindi tinitigilan ang paghalo (para hindi magkurta ang gata). Pagkulo, ihalo ang mga pinirasong kalabasa at hayaang kumulo, hinahalo paminsan-minsan. Kapag bahagya nang lumambot ang kalabasa, idagdag ang sitao at mga siling labuyo, at pakuluin hanggang sa magpawis at maging bahagyang luto ang sitao. Timplahan ng asin at budburan ng sili, tinapa o kaya'y halabos na hipon. Kung matapang-tapang sa anghang, basagin ang mga sili sa gilid ng kawali at ihalo sa gata.
PS
Kailangan ng 6 hanggang 8 tasa ng gata para sa resipi na ito. Gumamit ng instant gata kung nais makatipid sa oras. Kung nais magpaka-bayani, bumili ng niyog, kudkurin sa kudkuran, lagyan ng 6 na tasang maligamgam na tubig at magpiga. Huwag kalimutang salain! :P Oo nga pala, kung may natira ka pang kadakilaan, maari mong gawing bukayo ang sapal ng niyog. :)
lasangpinoy